Kapag nagkakasama kaming magkaka-barkada, kagaya ng lahat ng mga tumatanda, hindi maiiwasang mapag-usapan palagi ang trabaho. At kadalasan, kapag usapang karera ang usapan, ang madalas na sukat nito ay ang laki ng sahod at iba pang benepisyong nakukuha.
Naunang nagtrabaho ang mga kaibigan ko dahil masyado kong minahal ang kolehiyo. Isandaang taon din bago ako naka-tapos (ibang storya yun). Natural, mas maaga silang umasenso. Marami sa kanila (kasama na rin ang mga ka-batch ko nung hayskul) ang mataas na ang posisyon at limpak-limpak na rin ang ibinubulsa bawat buwan. At kung gagawing batayan ng tagumpay ang sweldo gaya ng sabi ko, kumpara sa kanila, anak ng kalungkutan, isa akong malaking “singko” sa pagiging bagsak.
Pero ganon nga ba? Kung tutuusin, ang karerang napili ng marami sa aking mga kasabayan e nasa larangan ng komputer at IT – ang bagay na isinuka, iniwan at pilit iniwasan nung kolehiyo ko. Kung di ako nagkakamali, ako lang yata ang matapang (o tanga) na nangahas tahakin ang daan ng mga artista (yung tunay na artist, di yung showbiz). Ako lang yata ang nangahas na piliing magpaka-dalubhasa sa paghahabi ng letra upang makabuo ng mga sagad sa labong salita, kaysa mag-ayos mga numero para patakbuhin ang isang kompyuter.
Sa mga pagkakataong gaya ng pagtitipon na iyon, di ko talaga maisip ang sarili ko na nakakulong sa isang kwarto at nagpapaka-alipin sa mga papel at mga boss na mapapel. Di ko rin maisip ang sarili ko na nagmamando o minamanduhan ng isang bossing. Maliban siguro sa mga trabahong pangarap ko kagaya ng pagiging isang creative sa advertising agency o animation studio, di ko talaga lubos maisip na ipinuputa ang sarili o kumakain ng tao sa mundo ng mga gahamang korporasyon.
Ako ang taong di mapakali sa isang lugar. Madali akong magsawa sa rutina. Nabuburyong ako kapag isang bagay lang ang nakikita ko. Di ko kayang tumagal ng ilang buwan na walang “exciting” na bago ang nangyayari. Gusto ko ng palaging gumagalaw o naglalakbay.
Ang tipo kong trabaho, na tingin ko ay nababagay sa akin, ay yung mga malikhaing trabaho. Mga aktibidad na magpapatakbo sa gulong ng utak ko para gumawa ng mga malikhaing bagay. Mga gawaing gagamitin ang imahinasyon ko. Kagaya ng pagsusulat o pag-iisip ng mga bagay na masaya o exciting o kaaya-aya.
Basta hindi trabahong teknikal o opisina.
Bahagi rin ng personalidad ko ang, sabihin na nating “free-spirited”. Ayaw ko ng natatali sa isang lugar o tiyak na gawain o kahit isang tao. Di ko lubos maisip ang sarili ko na nagbibigay komitment sa isang kompanya hindi dahil sa ‘di ko kaya maging loyal, kundi dahil marami akong nais na gawin at subukan.
Sa madaling salita, di talaga ako “yayaman”, o kikita ng mga hanggang anim na numero kagaya ng mga nasa tuktok ng corporate ladder. Maliban na lang kung tuksuhin ng tadhana at itapon ako dito sa mundong ayaw ko, hangga’t maari talaga ay dun ako trabahong malikhain at gusto ko kahit di ganoon kalakihan ang sahod. Sakto lang, ika nga.
Kaya kahit minsan ay naiinggit ako sa mga taong malaki na ang kinikita gaya ng mga kaibigan ko, sinasabi ko na lang sa sarili ko na naiiba ako sa kanila. Iba ang hilig ko, iba ang personalidad ko.
Usaping “stable” vs. “fleeting”. Siguro sinasabi ko lang ito dahil wala pa akong pamilyang pinapakain. Wala rin akong mabigat na responsibilidad na mangangailangan ng permanenteng kabuhayan. Pero hanggang di pa ako dumarating sa puntong kakainin ko ang mga salitang ito pati ang pride ko, asahang palukso-lukso ako ng trabaho dahil para sa akin ay mas masaya yun at exciting at doon ako nabibilang.